Ace Carlo S. Oronia, Polytechnic University of the Philippines
Ang mga sunog ay ipinagpapalagay na lamang bilang mga “minor news event” kung ikukumpara sa mas mapaminsalang mga sakuna gaya ng mga bagyo at lindol. Sa kabila nito, mula noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan, ang mga sunog ay nananatiling isa sa mga pangunahing banta sa mga imprastruktura at mga ari-arian.1 Ang ganitong sakuna ay hindi na bago sa karanasang pangkasaysayan ng Maynila. Ayon nga sa historyador na si Greg Bankoff, madalas na tinutupok ng malalaking sunog ang Kamaynilaan noong kolonyal na panahon. Bilang halimbawa, noong 1583, 1603 at 1628, naabo ng sunog ang katedral, ospital, fuerza, mga gusali at maging ang buong Parian sa Maynila. Ipinagpapalagay ng mga opisyal na ang pagtatapon ng upos ng tabako at kapabayaan tuwing nagluluto ay ilan sa mga nagiging sanhi ng sunog. Bukod pa rito, nakakadagdag din sa panganib ang dikit-dikit na mga kabahayan na gawa sa mga materiales ligeros (light/combustible materials) na mabilis magliyab. Hanggang ika-20 siglo ay ganito pa rin ang porma ng mga kabahayan sa Maynila. Maraming mga bahay pa rin ang yari sa mga light materials at marami pa ring naninirahan sa mga bahay na gawa sa pawid.3
Ganito ang kalagayan ng Maynila nang magpatayo ng mga istasyon ng bumbero ang mga Amerikano. Sa pangunguna ng Manila Fire Department, ang mga istasyong ito ay naglalayong pangalagaan ang mga kabahayaan at mga residente sa banta ng mapaminsalang apoy. Sila ang nangangasiwa sa inspeksiyon ng mga lugar na maaaring pagmulan ng apoy gaya na lamang ng mga tindahan at mga pabrika. Namamahagi rin sila ng mga permit para sa mga establisyimento gaya ng mga sinehan at teatro.4 Sa panahon ng pananalasa ng isang sakit, kapaki-pakinabang din ang mga istasyon. Halimbawa, sa pagkalat ng kolera sa Pilipinas noong 1903, naging kasangkapan ang Manila Fire Department sa pagwasak ng mga bahay at barong-barong na maaaring pinamumugaran ng sakit.5 Gampanin ng nasabing departamento na dagdagan ang mga fire hydrants at magrekomenda ng mga lugar na maaaring tayuan ng karagdagang mga himpilan. Bilang bahagi ng proyekto ng pagbibigay ng “sibilisasyon” sa mga Pilipino, ang departamento at ang mga himpilan nito ay nagsilbi din bilang porma ng paghahanda sa mga manggagawang Pilipino para sa hinaharap. Sa ulat noong 1906 sinasabing:
It is the aim of the department to promote Filipinos to responsible positions as soon as they show themselves capable of performing the higher duties. The promotion of two Filipinos to the engines will be in the nature of an experiment, which will be carefully observed because of the importance of the work to be performed by these men. Filipino engineers have been employed in the department as second-class engineers on apparatus of lesser importance for some time.
Isa ang Santa Mesa Fire Station sa mga nabuong himpilan ng Manila Fire Department noong ika-20 dantaon. Bagaman pinasinayaan noong 1919, mahigit isang dekada matapos ang mga naunang istasyon ng bumbero sa Maynila, ang plano para sa pagtatayo ng isatasyon sa Santa Mesa ay nakalatag na noong 1906 pa lamang kung pagbabatayan ang mga ulat ng pamahalaan. Sa isang ulat noong 1906 makikita ang mga sumusunod:
In order that Santa Mesa Heights may be properly protected, it will be necessary to establish a station in the vicinity of the Rotonda, equipped with an engine company. The nearest station to Santa Mesa Heights is located in Tanduay at a distance of about 2 miles. The high ground is very desirable for residential purposes, and many houses have been constructed during the last two or three years in which imported soft woods have been extensively used. It will also be necessary to materially improve the water system, as there is a great scarcity of fire hydrants. Unfortunately, several fires have occurred on the Heights, and in a majority the residences were almost totally destroyed.
Batay na rin sa ulat, nagkaroon na ng ilang kaso ng sunog sa Santa Mesa sa mga nagdaang taon. Dalawa sa mga ito ay naganap noong Marso 1903 at Hulyo 1905. Ang naganap na sunog noong Marso 1903 ay hindi ganoon kalaki ang naidulot na pinsala bagaman nakahagip ito ng walong bahay at nakatupok ng mga ari-arian na aabot sa humigit-kumulang 3,000 piso. Paglalaro ng apoy ng mga bata sa tapat ng Hipodromo de Santa Mesa ang sinasabing pinagmulan ng sakuna. Naapula ang apoy sa tulong ng mga bumbero mula sa istasyon ng Tanduay, Paco, at Sta. Cruz.
Noong Hulyo 1905 naman, ang bahay ng kilalang mangangalakal na si Carlos Fressel ang tinupok ng apoy. Tinatayang aabot sa halagang 22,000 piso ang nasunog na bahay idagdag pa rito ang mga ari-ariang di natukoy ang halaga. Nahirapan ang mga bumberong rumesponde sa sunog sapagkat mabilis na kumalat ang apoy sa mga kabahayan. Ngunit, ang pinakamalungkot na kaganapan dito ay ang pagkasawi ng dalagang anak ni Fressel. Ayon sa ulat:
Ang anac na dalaga nila G. Fressel ay nagdudumaling nasoc sa isang silid dahil mandin sa isang mahalagang bagay na canyang nalimutan; nguni’t sawing palad! paglabas niya’y hindi na macasagasa sa apo’y na sa licod at harap ay totoo nang maalab. Sumigaw, nagpagibic, ibig lumundag, nguni’t walang ipangyari: noon di’y pinuluputan siya sa catawan ng walang awang apoy hangang maging uling na tulad sa isang malaking dupong
Ang mga kasong ito ng sunog sa Santa Mesa ay maaaring ilan lamang sa mga dahilan na nagtulak sa Manila Fire Department na magtayo ng himpilan ng bumbero sa nasabing lugar noong 1919. Ang himpilan na kilala rin sa katawagang Station No. 8 at matatagpuan sa mga lumang mapambilang M.F.D No. 66 ay naging saksi na sa napakaraming makasaysayang pangyayari sa Kamaynilaan. Natunghayan nito ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at himalang nakaligtas sa nasabing digmaan.
Sa kasalukuyan, nagkaroon ng plano ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection upang palitan ito ng bago at modernong istruktura dahil na rin sa kalumaan nito at itinuturing bilang peligroso. Gayunman, sa pamamagitan ng mga heritage advocates ay napigilan
ang pagwasak nito. Sang-ayon kasi sa Batas Republika Blg. 10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009 na inamyedahan at mas pinalawak pa ng Batas Republika Blg. 11961, ang mga istrukturang lampas na sa limampung taong gulang (50 years old) ay itinuturing na bilang mga important cultural property. Kaugnay nito ay itinatadhana ng batas na hindi maaaring basta-bastang wasakin o baguhin ang naturang mga istruktura. Sa pamamagitan ng sama-samang aksyon ng iba’t-ibang stakeholders na naglalayong pangalagaan ang mga pamanang kultural ng bansa, napigilan ang demolisyon ng Santa Mesa Fire Station.
Primaryang Batis
“Isang Sunog sa Santamesa sa Paglalaro ng mga Bata.” El Renacimiento. March 7, 1903.
“Sunog sa Santamesa, Binibining Natupoc.” El Renacimiento. Hulyo, 11, 1905.
Annual Reports of the War Department Volume 5: Report of the Philippine Commission.
Washington: Government Printing Office, 1903.
Seventh Annual Report of the Philippine Commission (1906). Washington: Government Printing Office, 1907.
Sekondaryang Batis
Bankoff, Greg. “Fire and Quake in the Construction of Old Manila.” The Medieval History Journal
10, No. 1&2 (2007): 411-427.
Bankoff, Greg, Uwe Lubken and Jordan Sand. Flammable Cities: Urban Conflagration and the
Making of the Modern World. Wisconsin: The University of Wisconsin Press, 2012.
Torres, Cristina Evangelista. The Americanization of Manila, 1898-1921. Quezon City: University
of the Philippines Press, 2010.
Sintang Lakbay is a historical walk and bike ride to promote inclusive mobility by facilitating active interaction with urban landscapes, restoring working-class memory in national history, and mobilizing public contributions to remembering through art and research. It is a collaborative project by The Polytechnic University of the Philippines, 350 Pilipinas, and the Constantino Foundation