Mc Donald Domingo M. Pascual

Mababakas ang konstruksyon ng Antigong Bahay ng PUP noong 1919 sa Kalye Pureza ng Sta. Mesa sa Maynila (National Development Company, 2019). Naging tahanan ito ng National Development Company, isang semi-pribadong kumpanya na itinatag noong ika-10 ng Marso 1919 sa bisa ng Lehislaturang Batas blg. 2849 (Senate of the Philippines, n.d.). Itinakda ng Batas na itovna ang kumpanya ay tatakbo sa loob ng 50 taon na magsisimula sa pagsasabatas nito. Ngunit noongv1936 ay ginawa na itong isang pampublikong korporasyon sa bisa ng Batas Komonwelt blg. 182, na siya ring nagpawalang-bisa sa Batas 2849 at Batas 2873.

PUP Antique House artwork stamp by Nadia Cruz

 

Ang bahay na ito, na dating tinatawag na Gusaling NDC, ay isa sa mga pinakamatandang gusaling pampamahalaan na pinaroonan ng isa sa pinakamatandang kumpanya magmula pa noong panahong Amerikano (National Development Company, n.d.). Ang gusaling ito ay itinayo sa 10.31 ektarya ng lupa sa Santa Mesa, Maynila katabi ang Ilog Pasig (National Development Company, 2019; Official Gazette, 1989). Ang bahay, na itinulad sa anyo ng isang Bahay na Bato, ay itinayo na may hugis parihaba sa Kalye Pureza habang nakaharap sa Kalye Santa Mesa (ngayon ay Kalye Magsaysay).

Ang tarangkahan papasok sa NDC, Kalye Pureza, Santa Mesa, Maynila (Manila National Development Company, October 1, 2021)

 

Ang plano sa gusaling ito ay maging angkop sa klimang tropikal at kayanin ang pananalasa ng mga lindol. Ang maaraw na panahon ng tagtuyot ang nagbigay-daan upang lagyan ito ng mga bintanang yari sa mga kabibeng Capiz na siyang nagagamit na panakip tuwing umuulan. Ang ilalim naman ng mga bintana ay gawa sa mga lokal na matigas na kahoy na siyang nagpapaloob sa ikalawang palapag.

Ang gusaling administratibo ng National DevelopmentAuthority (NDC) na itinayo noong 1919. Isa ito sa mga pinakamatandang gusali ng pamahalaan (National Development Authority, 2021)

 

Kaiba sa Bahay na Bato, ang Gusaling NDC ay walang ventanillas (maliliit na bintana) sa ilalim ng mga bintana. Ngunit mayroon itong mga bintana sa mga trabisanyo sa ilalim ng bubong na nagiging daluyan ng hangin at nagpapalamig sa gusali dahil sa mataas at maluwag na kisame ng ikalawang palapag. Ang bubong naman nito ay gawa sa mga yero, na kapansin-pansin sa ibang mga gusaling itinayo sa kanilang panahon tulad ng mga Paaralang Gabaldon na itinayo simula pa noong 1907. Laganap na ang paggamit ng yero simula sa Dekada 1910 na pinatunayan ng higit 1,852 paaralan na may yerong bubong (Ladrido 2022). Sa katunayan, ang disenyo ng bubong ng Gusaling NDC ay tipikal sa disenyo ni Ark. William E. Parsons para sa mga nasabing paaralan. Ang sementadong pader na bumubuo sa unang palapag ay may kalakip na mga bintana na yari sa 15 salamin. Kapag binubuksan ang mga bintanang ito ay nakapapasok ang malamig na hangin sa unang palapag at nabibigyan ng maayos na bentilasyon ang mga tauhan ng Kumpanya.

Ang nakapaikot na beranda naman ay binabakuran ng mga haligi na sumusuporta sa ikalawang palapag. Sa isang pagkukumpuni na isinagawa noong 1989, ang bubong na yero ay pinalitan ng tejas, isang uri ng tisang terracotta na galing sa Apalit Ceramics. Dahil sa dagdag na bigat ng bagong bubong, naglagay ng mga suportang kahoy para maiwasan ang pagbagsak nito. Sa kabilang banda, ang mga bintana sa unang palapag ay nilagyan ng moldeng bakal at ang mga pader ay pinaleta gamit ang estukong may tapos na lace-and-skip. Ang mga haligi ay pinakapal gamit ang semento (PUP, 2022). Ginawa ang pagkukumpuni nang sa gayon ay mas lalong magtagal ang gusali.

Ang mga gusaling pampaaralan ng Pambansang Mataas na Paaralan ng Camarines Sur (kaliwa) at Mababang Paaralan ng Hilagang Silay (kanan) na itinayo noong 1915 at 1907, ayon sa pagkakabanggit (Gabaldon Heritage Schools).

 

Ang seramikong ginamit sa pagtakip sa bubong ng Gusaling NDC. Ang seramiko ay tinanggal at hinawakan ni Engr. Ramir Cruz, Dekano ng Institute of Technology (ITech) para makuhanan ng litrato (Litrato mula kay Mc Donald Pascual).

 

Ang gusali ay may perron sa harapan at hagdan paakyat sa ikalawang palapag. Ang perron ay yari sa mga tisang gawa sa maliliit na bato habang ang hagdan–ang mga baitang at balustre nito ay yari sa kahoy. Ang sahig naman ng ikalawang palapag ay yari din sa kahoy na
pinagdugtong sa pamamagitan ng tongue and groove o pagpapasok ng isang dulo ng kahoy sa puwang na nasa kabilang dulo ng sumunod na kahoy. Sa kabuuan, ang gusali ay maaliwalas, lalo na’t may fountain sa harapan nito noon. Sa tulong ng Kagawaran ng Badyet at Pamamahala, ang lupa ng NDC, kabilang ang mga ari-arian na narito, ay ibinigay sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas noong 1989. Ang pagbibigay nito ay isinagawa para sa pagpapalawak ng Unibersidad dahil sa paglaki ng populasyon nito. Ang natitirang balanse ng NDC ay ginamit bilang gastos sa pagkuha sa pamamagitan ng pagbabawas ng kanilang mga panangutan sa pamahalaan (Official Gazette, 1989). Dahil sa itsura nitong tila Bahay na Bato, ang gusaling ito ay tinawag na Antigong Bahay ng PUP. Sa unang palapag nito nanatili ang Sentro para sa Kultura at Sining ng Unibersidad hanggang sa lumipat ang Sentro sa Teatro ng PUP. Sa harap nito ay nagtatag ng isang gusali para sa Paaralang Teknikal ng Unibersidad, na siyang nanggaling pa sa luma’t wasak ngunit makasaysayang Kampus sa Lepanto. Ang Paaralang Teknikal ay pinalitan ng pangalan, na sa ngayon ay ang Institute of Technology o ITech.

Ang National Development Company Compound sa Pureza, Sta. Mesa, Maynila. Ang Antigong Bahay ng PUP (dating Gusaling NDC) ay nakatayo sa gitna ng Compound (National Development Company, 2021)

 

Samantala, ang Antigong Bahay ng PUP, kahit na mali, ay tinatawag na Mansyong Carriedo, kung saan nanirahan si Don Francisco Carriedo y Peredo na siyang nagtungo sa Pilipinas noong 1722. Nanahan at namatay siya sa Maynila noon 1743 sa edad na 52. Bagaman walang salaysay tungkol sa kanyang buhay sa bansa, masasabing si Don Francisco Carriedo ay nanirahan sa loob ng Intramuros base sa kanyang pagkakakasal kay Mariana de Cosio, anak ni Gobernador- Heneral Toribio Jose Miguel de Cosio, Marquiz ng Torre Campo, noong 1727, at ang kanyang ranggo na Heneral na ipinagkaloob sa kanya dahil sa matagumpay niyang pangangasiwa sa mga kargamento ng Galyong Santa Familia mula Acapulco (Salt, 1913). Marapat lamang na tandan na hanggang 1901, ang Intramuros lamang ang kinapapalooban ng Maynila, na gayong tawag din ng mga tao noon.

Ang mga lugar sa labas ng Intramuros tulad ng Ermita, Malate at Binondo ay tinatawag na mga arabal ng Intramuros. Ang mga arabal na ito tulad ng Malate, Binondo at Ermita, kabilang ang malayong lugar ng Santa Mesa at ang inang distrito nito na Sampaloc ay ipinasok sa pagbubuo ng Lungsod ng Maynila sa bisa ng unang karta na itinakda sa Batas blg. 183 na isinabatas ng Komisyong Taft noong ika-31 ng Hulyo 1901 (Supreme Court E-Library, 2019). Kaya naman, paanong ang isang mayaman at makapangyarihang Espanyol nanirahan sa lugar na lagpas pa sa mga arabal ng Intramuros sa unang bahagi ng ika-18 siglo? Liban pa sa mga nasabi na, ang pagpapatayo ng mga sistemang patubig na binalak itayo ni Carriedo para sa mga residente ng Maynila at mga arabal nito ay nag-umpisa lamang 135 taon pagkatapos ng kanyang kamatayan. Sinimulan ito ni Genaro Palacios, isang inhinyero at arkitektong Espanyol noong 1878 at ang sistemang ito ay kumukuha ng tubig mula sa Ilog Marikina. Noong 1882 naman ay itinatag ang El Deposito sa San Juan del Monte upang magkaroon ng imbakan sa sistema. Dahil sa mga pangyayaring ito, ang dapat na Mansyong Carriedo sa Santa Mesa ay hindi rin magtatagal hanggang sa kasalukuyan dahil ang kanyang asawa ay namatay sa ikalawang taon ng kanilang pagkakakasal, na nagresulta sa kawalan ng anak na magmamana ng mga ari-arian, kabilang ang mansyon. Isa pa, sa buong pamumuhay ni Carriedo sa Pilipinas mula 1722 hanggang sa kanyang kamatayan noong 1743, hindi magandang desisyon ang magtayo at manirahan sa isang mansyon sa isang malayong lugar tulad ng Santa Mesa para pangasiwaan umano ang operasyon ng kanyang pagawaing tubig, lalo na’t hindi naman tinanggap ng Cabildo ang kanyang donasyon sa pagpapagawa nito noong Nobyembre 1734 (Salt, 1913).

Isang mapa na nagpapakita ng mga pagawaing tubig ni Carriedo sa ilalim ng pamumuno ni Genaro Palacios (Salt, 1913).

 

Isang litrato ng Hipodromo de Santa Mesa ca. 1870 na nagpapakita na walang malaking gusali sa
lugar maliban sa pansamantalang entablado sa gitna ng palayan.

 

Hanggang sa pagtatapos ng panahon ng mga Espanyol, walang malaking Bahay na Bato sa Santa Mesa. Ang pagpapalawak ng mga Amerikano sa Maynila noong 1901 ang nagbigay-daan sa pagtatatag ng mga kongkreto at permanenteng pamayanan sa lugar. Ang rebisyon sa karta ng Lungsod noong 1949 ay nagresulta sa paglawak ng hindi lamang sa lugar pamahayan ng mga arabal ngunit pati ang pagbilis ng mga dinamiko sa pulitika at ekonomiya. Ito ay dahil ang binagong karta ang nagbago sa Maynila sa paglago tungo sa pagkakaroon ng kapangyarihan na magkaroon ng ari-arian, magkaroon ng kontrata sa mga institusyon at organisasyon, at
pagpapasunod sa mga tao dahil sila ay nasa hurisdiksyon at pananagutan ng local na pamahalaan
(Official Gazette, 1949).

 

Isang litratong panghimpapawid ng Santa Mesa at Pandacan, ca. 1920s.

 

Mga litrato na nagpapakita ng pagkasira ng Antigong Bahay ng PUP.

 

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Gusaling NDC ay ginamit na kampo ng Pwersang Hapones. Sa kasagsagan ng Labanan para sa Liberasyon ng Maynila, ito ay ginamit na punong-tanggapan ng Pwersang Amerikano (Cabanilla, 1999). Noong 1989, ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, kung saan iginawad ang mga pag-aari ng NDC, ay “pinayagang pumasok, okupahan, at kunin ang mga ibinigay na pag-aari” sab isa ng agarang implementasyon ng Memorandum Order blg. 214 na pinirmahan ng dating Pangulong Corazon C. Aquino (Official Gazette, 1989). Sa kasalukuyan, ang gusali ay nasa malubha nang kalagayan at hindi na maaaring
makumpuni para magamit sa kinabukasan.

 

Sanggunian

Cabanilla, N.L. (1999). P.U.P. antique house. Unpublished manuscript.
Gabaldon Heritage Schools. (2015, June 17). Camarines Sur National High School [Photo]. Retrieved April 21, 2024, from https://www.facebook.com/GabaldonHeritageSchools
Henares, I. (2006, September 26). The Gabaldon legacy. Retrieved April 21, 2024, from http://gabaldon.ivanhenares.com/2006
Ladrido, R.C. (2022). Heritage lessons: Saving the Gabaldon schoolhouses. Retrieved April 20, 2024, from https://verafiles.org/articles/heritage-lessons-saving-gabaldon-schoolhouses
National Development Company (2021, October 1). Annual report CY 2021. Retrieved March 21, 2024, from https://www.ndc.gov.ph/sites/default/files/documents/ Annual%20Report%20CY%202021.pdf
Official Gazette (1949, June 18). An act to revise the charter of the City of Manila, and for other purposes. Retrieved on April 21, 2024, from https://www.officialgazette.gov.ph/1949/06/18/republic-act-no-409/
Official Gazette (1989, January 6). Memorandum Order No. 214, s. 1989. Retrieved March 22, 2024, from https://www.ndc.gov.ph/corporate-profile
Polytechnic University of the Philippines (2022, July 5). History of Carriedo Mansion (antique house). Retrieved April 21, 2024, from https://www.foi.gov.ph/requests/history-of- carriedo-mansion-antique-house/

National Development Company (n.d.). Corporate profile. Retrieved March 22, 2024, from https://www.ndc.gov.ph/corporate-profile
National Development Company. (2019, May 7). NDC centennial AVP [Video]. Facebook. https://www.facebook.com/2197157210537677/videos/298777551053364/
Salt, A.E.W. (1913). Carriedo y Peredo. In A.J. Cox (Ed.), The Philippine journal of science (pp. 165-213). Retrieved April 12, 2024, from https://www.biodiversitylibrary.org/item/ 108167#page/22/mode/1up
Senate of the Philippines (n.d.). Act No. 2849. Legislative digital resources. Retrieved March 22, 2024, from https://issuanceslibrary.senate.gov.ph/legislative%2Bissuances/Act%20No.%202849
Supreme Court ELibrary. (2019). Act No. 183, July 31, 1901: An Act to incorporate the City of Manila. Retrieved April 22, 2024, from https://elibrary.judiciary.gov.ph/thebookshelf/showdocs/28/35678

 


Sintang Lakbay is a historical walk and bike ride to promote inclusive mobility by facilitating active interaction with urban landscapes, restoring working-class memory in national history, and mobilizing public contributions to remembering through art and research. It is a collaborative project by The Polytechnic University of the Philippines, 350 Pilipinas, and the Constantino Foundation

FacebookTwitter