Charity Rollorata

Ang paglalakad sa Kalye Sociego ay iba sa alinmang kalye dahil nagtataglay ito ng makabuluhang koneksyon sa kasaysayan. Ang kalyeng ito, kung saan ang unang putok ng Digmaaang Pilipino-Amerikano, ay may mahalagang papel sa paghubog sa
kinabukasan ng noo’y bagong tatag na republika.

 

Visited the Sociego Sta. Mesa historical marker.  PHOTO/ Leo M. Sabangan II

Taliwas sa nakagisnang paniniwala, ang unang putok ay hindi sa tulay ng San Juan kundi malapit sa pagliko patungong Blockhouse 7 sa kahabaan ng Kalye Sociego, Sta. Mesa (dating bahagi ng Distrito ng Sampaloc) sa Maynila. Ang Sociego (Sosiego) ay isang terminong Espanyol na nangangahulugang tahimik, ay angkop na sumasalamin sa papel ng kalye bilang isang tahimik na saksi ng isang malaking kaganapan sa kasaysayan ng Pilipinas na naganap 125 taon na ang nakararaan.

Immerse at the Kalye Sociego by trying the Sintang Lakbay Filter on Instagram!

Panimula sa Tunggalian 

Noong huling bahagi ng ikalabinsiyam na siglo, ang Pilipinas ay nakaranas ng  malaking pagbabago. Ang pagtatangka ng Katipunan na maghimagsik laban sa kontrol  ng mga Espanyol ay natuklasan, na humantong sa isang ganap na rebolusyon noong  1896. Noong 1898, opisyal na idineklara ng Pilipinas ang kalayaan mula sa kolonyal na  pamumuno ng mga Espanyol, para lamang makuha ng Estados Unidos ang bansa mula  sa Espanya sa halagang 20 milyong dolyar sa ilalim ng Kasunduan sa Paris. Binalewala  ng kasunduang ito ang deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas ni Emilio Aguinaldo ilang  buwan lamang ang nakalipas. 

Ang Unang Putok nang Digmaang Pilipino-Amerikano 

Ano ang nangyari sa kalyeng ito? Balikan natin ang pangyayari. Noong gabi ng  Pebrero 4, 1899, ilang sundalong Pilipino ang dumaan malapit sa tinatawag na  Blockhouse 7, Kalye Sociego, nang mapansin sila ni Private William Grayson ng First  Nebraska Volunteer Infantry.  

Si Grayson ay sumigaw ng, “Halt!” Ngunit hindi sumunod ang sundalo, at muli, sumigaw  ito ng, “Halt!” Pagkatapos ay tumugon ang sundalong Pilipino ng, “Halto!” At nagpaputok  na nga si Grayson na tuluyang ikinasawi ng sundalong Pilipino na si Corporal Anastacio Felix ng Fourth Company, Morong Battalion. Ang putok na ito ay umalingawngaw sa  tahimik na kalye at nagpasimula ng serye ng pagpapalitan ng putok. Ang kaganapang ito  ay mabilis na umunlad sa isang ganap na salungatan sa pagitan ng mga pwersang  Amerikano at Pilipino, na naglunsad ng digmaan na ngayon ay kilala bilang Digmaang  Pilipino-Amerikano na tumagal hanggang 1902. Ang isang putok na ito sa Kalye Sociego  ay hudyat ng pagsisimula ng Digmaang Pilipino-Amerikano, na nagmamarka ng  pagtatapos ng panahon ng kolonyal na Espanyol at pagsisimula ng pamumuno ng mga  Amerikano sa Pilipinas. Ang digmaang ito ay isang tunggalian na maraming aspeto at  panig, na umani ng mas maraming sundalo at mas maraming labanan na kumitil sa buhay  ng tinatayang 200,000 o higit pang mga Pilipino. 

 

Ang Kahalagahan ng Kalye Sociego 

Sa kabila ng kahulugan ng pangalan nito, ang mga pangyayaring naganap sa  Kalye Sociego 125 taon na ang nakalilipas ay nagkaroon ng matinding epekto sa buong  kapuluan, na humubog sa kinabukasan ng bagong tatag na republika. Ang pag-alaala sa unang putok sa kalyeng ito ay hindi lamang tanda ng pagsisimula ng Digmaang Pilipino Amerikano kundi parangal din sa unang pagtutol ng mga Pilipino laban sa kolonyal na  paghahari ng Amerika. Ang kasunod na salungatan sa Estados Unidos ay kumakatawan  sa patuloy na pakikibaka para sa awtonomiya at pagpapasya sa sarilii ng mga Pilipino,  kung saan ang Kalye Sociego ay naging simbolo ng kanilang paglaban sa kolonyalismo.  Isang historical marker ang nakatayo ngayon sa kanto ng mga kalyeng Silencio at  Sociego sa Sampaloc, Maynila, upang gunitain ang unang putok ng Digmaang Pilipino Amerikano. 

Paghubog sa Salaysay ng mga Pilipino 

Ang insidente sa Kalye Sociego na nagresulta sa isang digmaan ay  nakaimpluwensya sa salaysay ng mga Pilipino, dahil ang mga ito ay nagpapahiwatig ng  pakikipaglaban at pakikibaka laban sa kolonyalismo. Ang panahong kolonyal ay  nagtaguyod ng pambansang pagkakaisa sa mga Pilipino na nagdadala ng mga mithiin  ng kalayaan na umaalingawngaw hanggang sa kasalukuyan. Isang bagong historical  marker ang idinagdag sa tabi ng 1941 marker, na gumugunita sa labanan sa pagitan ng  dalawang malayang bansa. 

 

 

Artwork by Johnny Guarin

 

Ang marker na inilagay noong 2022 ay nagbibigay diin na ang Unang Republika  ng Pilipinas ay ang nakikipagdigma laban sa Estados Unidos, at hindi insureksyon ng  mga Pilipino laban sa mga Amerikano. Kinilala rin nito na natapos ang Digmaang Pilipino Amerikano noong 1913, taliwas sa deklarasyon ng Amerika noong 1902. 

Sa kasalukuyan, maraming isyu at alalahanin mula sa digmaan ang nananatili  sa larangan ng pulitika, edukasyon, at kultura ng Pilipinas. Ang pangyayaring nagsimula sa kalyeng ito ay nagsisilbing paalala ng katatagan at katapangan ng mga Pilipinong  lumaban sa kolonyal na paghahari. Ang salaysay na ito ay mahalaga sa pag-unawa sa  patuloy na paglalakbay ng Pilipinas tungo sa isang patas at malayang lipunan. Habang  binabagtas natin ang kahabaan ng Kalye Sociego, nawa’y maglaan tayo ng ilang sandali  upang pagnilayan at alalahanin, na ang kalyeng ito ay hindi lamang lugar ng  kapanganakan ng isang malaking tunggalian kundi isang simbolo ng walang humpay na  pagtutol. 

Mga Sanggunian 

Casalmir, Ronnie M. “The First Shot of the Phil-Am War did not happen on Sociego Silencio Street.” PhilAmWar.Com. Retrieved from  

http://www.philamwar.com/thefirstshotofthephilamwarwasnotonsociegosilencio.html. 

Chaput, Donald. “Private William W Grayson’s War in the Philippines, 1899,” Nebraska  History 61 (1980): 355-366. Retrieved from  

https://web.archive.org/web/20130522161102/http://www.nebraskahistory.org/publish/p ublicat/history/full-text/NH1980GraysonWar1899.pdf.  

Legarda, Benito R. Jr. The Hills of Sampaloc: The Opening Actions of the Philippine American War, February 4-5, 1899. Makati City: Bookmark, 2001. 

Legarda, Benito R. Jr. “The Road to Blockhouse 7.” Paper submitted to the Board of the  National Historical Institute, c. 4 March 1999. 

Ocampo, Ambeth R. “The First Shot: Quiet, silence, and a bridge.” Philippine Daily  Inquirer, 3 February 2021. Retrieved from https://opinion.inquirer.net/137453/the-first shot-quiet-silence-and-a-bridge. 

Thiessen, Thomas D. “The Fighting First Nebraska: Nebraska’s Imperial Adventure in the  Philippines, 1898-1899,” Nebraska History 70 (1989): 210-272. Retrieved from  https://web.archive.org/web/20130522151832/http://www.nebraskahistory.org/publish/p ublicat/history/full-text/NH1989FightFirst1898.pdf.

 


 

Sintang Lakbay is a historical walk and bike ride to promote inclusive mobility by facilitating active interaction with urban landscapes, restoring working-class memory in national history, and mobilizing public contributions to remembering through art and research. It is a collaborative project by The Polytechnic University of the Philippines, 350 Pilipinas, and the Constantino Foundation

FacebookTwitter