Gregorio R. Caliguia, III, Polytechnic University of the Philippines

Ang Dambana ni Mabini (Mabini Shrine) ay nagsilbing tahanan ni Apolinario Mabini (1864–1903), ang kinikilalang “Utak ng Himagsikan” laban kapwa sa imperyalismong Espanyol at Amerikano. Ang bahay ito ang pinakaunang kinilala ng Pamahalaan bilang isang makasaysayang dambana (shrine) noong ika-23 ng Hulyo 1941. Ang bahay ay yari sa kahoy, kawayan, at pawid sa kabuuan. Noong 2010, matapos ang makailang-ulit na relokasyon, ay permanente nang nailagak ang Dambana rito sa Mabini Campus ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), sa Sta. Mesa, Lungsod ng Maynila. Dito ay mabibisita rin ang Museo ni Apolinario Mabini na nagpapakita ng ilang mga gamit at memorabilia ng bayani.

The Mabini Shrine during the 125th Anniversary of the Philippine Independence (Photo courtesy of
Gregorio R. Caliguia, III)

 

Namatay si Mabini noong May 13, 1903, sa bahay ng kanyang kapatid sa Sampaloc, Manila. Larawan mula sa Presidential Museum and Library
(Photo courtesy of the Mabini Shrine in Tanauan City, Batangas.

 

Bisitahin muli ang silid kung saan namatay si Apolinario Mabini gamit ang Facebook and Instagram Filters

 

Sa kaparehong silid, ginunita ang ika-40 anibersaryo ng kamatayan ni Mabini noong 1943, panahon ng Okupasyong Hapones. Makikita sa sento ang portrait ni Mabini, na siyang nakasabit ngayon sa haligi sa sala ng Dambana, gayundin ito ay isa sa mga kopya ng nagamit na larawan ni Mabini sa itaas. Lawaran mula sa The Tribune,

Isang Pambansang Bayani

Ipinanganak sa Tanauan, Batangas noong 1864, si Apolinario Mabini y Maranan ay pangalawa sa walong magkakapatid, buhat sa isang pamilya na ang ikinabubuhay ay pagsasaka. Nagtamo si Mabini ng kaniyang Bachiller en Artes at pagiging propesor ng Latin mula sa Colegio de San Juan de Letran (1881–1888)1 at ng Licenciado en Jurisprudencia mula sa Unibersidad ng Santo Tomas (1888–1894). Kinalaunay sumapi sa masoneriya, gayon din sa La Liga Filipina ni José Rizal noong 1892. Noong 1895, tinamaan si Mabini ng sakit na polyo, na nagdulot ngh paghina ng kanyang baywang at mga binti. Sa kaniyang liham sa isang kaibigang Amerikana, kaniyang nabahagi na simula Enero ng 1896 ay hindi na niya
magawang makatayo.

Gayumpaman, sa kabila ng kanyang kalagayan, gumanap si Mabini ng mga mahahalagang gampanin noong panahon ng pakikibaka para sa kalayaan ng Bayan: naging tagapayo sa Pamahalaang Rebolusyonaryo (1898–1899) ni Aguinaldo; gayon din bilang kapwa Punong Ministro at Ministro sa Ugnayang Panlabas sa ilalim ng Republika ng Malolos (1899); may-akda rin ng “El Verdadero Decalogo” at “Ordenanzas de la Revolucion,” mga polyeto (pamphlet) na nakapagsisilbing gabay para sa mga rebolusyonaryo4; sumulat din ng programang konstitusyonal para sa Republika,5 at ng aklat na pinamagatang La Revolución Filipina na nalimbag na lamang noong siya ay yumao na. Si Mabini ay ipinatapon sa Guam noong 1901 habang kasagsagan ng Digmaang Pilipino-Amerikano, at nakabalik na lamang sa lupang tinubuan noong 26 ng Pebrero 1903. Sa kaniyang pagbabalik, nanirahan si Mabini sa tahanang ito, sa orihinal nitong pook sa Kalye 21, Nagtahan, hanggang sa siya ay sumakabilang-buhay sanhi ng kolera na kanyang natamo matapos makainom ng kontaminadong gatas ng kalabaw, hating-gabi ng ika-13 ng Mayo 1903.

Ang Licentiate sa Batas ni Apolinario Mabini. Larawan mula sa Presidential Museum and Library

 

Pambihirang larawan kung saan si Apolinario Mabini ay makikitang nakatayo. Kuha noong kaniyang pagtatapos sa UST noong 1894. (Ang larawan sa kanan ay mula sa Presidential Museum and Library; ang nasa kaliwa ay kinulayan gamit ang makabagong teknolohiya ni Kevin Perez.

 

Tahanan ng Bayani

Bagaman ang bahay ay mas kilala na ngayon bilang “Dambana ni Mabini,” hindi ito naging pag-aari ni Apolinario Mabini noong siya ay nabubuhay pa. Ang mga orihinal na nagmamay- ari nitong bahay noong mga panahong yaon ay ang kinikilalang ama-amahang ni Mabini, si Don Cecilio del Rosario at ang kabiyak nitong si Doña Maxima Castañeda.

Mabini reimagined as a hero in today’s generation, Museo ni Mabini artwork stamp by Ara Alejo

 

Kinalaunan, ipinamana ng mag-asawang Cecilio at Maxima ang bahay na ito sa kanilang anak na si Maria del Rosario (1887–hindi batid), na naging kabiyak ni Agapito Mabini (1890–1949), ang bunsong kapatid ni Apolinario Mabini. Ikinasal sina Maria at Agapito sa Tondo, Maynila noong ika-10 ng Oktubre 1914.

 

Mabini’s house in 21 Calle Nagtahan. Photo courtesy of Presidential Museum and Library

 

Makailang ulit ding nanirahan si Mabini sa tahanang ito. Una ay noong 1888, noong
siya ay nagsisimula pa lamang sa kaniyang pag-aaral ng abogasiya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Muling nanirahan dito si Mabini sa ikalawang pagkakataon noong ika-3 ng Oktubre 1900. Ito ay matapos siyang palayain ng mga Amerikano gawa ng kaniyang naging papel noong Digmaang Pilipino-Amerikano. Sa ikatatlong pagkakataon ay nanahan rito si Mabini
noong ika-26 ng Pebrero 1903, kung kailan siya nakabalik mula sa pagkakatapon sa Guam. Nanuluyan rito si Mabini hanggang ika-13 ng Mayo 1903, ang araw na siya ay binawian ng ng buhay.

Mahalaga ring mabigyang-diin na ang bahay na ito, na naging tahanan ni Mabini, ang pinakaunang iprinoklama bilang isang makasaysayang dambana (shrine), noong ika-23 ng Hulyo 19418; ito ay sa pangunguna ng pamahalaang lokal sa Maynila. Itinuturing na pioneering ang ganitong pagkilala sa Dambana ni Mabini, upang sundan ng maraming pagkilala sa mga makakasaysayang pook bilang mga dambana ng iba pang mga bayani.

Si Mabini nakaupo sa labas ng kanyang tent, noong siya ay mapatapon sa Guam, bandang 1902. Larawan mula sa filipiknow.net

Bahay na Palipat-lipat ng Tirahan

Larawan ng Tulay ng Nagtahan (kilala rin bilang Tulay ni Mabini), kung saan makikita ang Dambana ni
Mabini sa bandang paanan ng tulay (ibabang-kanan ng larawan) Kuha mula sa himpapawid, bandang huling bahagi ng dekada 1960. Ibinahagi ni Dr. Jose Victor Torres

 

Noong kapanahunan ni Mabini, ang tahanang ito ay orihinal na nakatayo sa Kalye 21 sa Nagtahan, Maynila. Ito ay nakalagok noon sa hilagang pampang ng Ilog Pasig. Ngunit, tulad kung paano si Mabini ay napilitang lumisan sa bayang tinubuan, ang kaniyang naging tahanan ay dumanas din ng makailang-ulit na relokasyon. Ang una ay noong dekada 1930. Sa panahong ito inilipat ang bahay mula sa orihinal nitong lote patungo sa kalapit nitong lote sa Kalye 23, Nagtahan. Inilipat ang bahay gawa ng pagtatayo noon ng Tulay ng Nagtahan. Ang sumunod na paglilipat ay noong dekada 1960, kung saan ang bahay ay inilagak naman sa noon ay compound ng Bureau of Animal Industry (na ngayon ay bahagi na ng Parke ng Malacañang) sa Pandakan, Maynila. Sa pagkakataong ito, inilipat ang bahay sa dahilang masasagaan ito ng gagawin pang pagpapalawak ng Tulay ng Nagtahan. At noong taong 1968, sa bisa ng Proklamasyon Bilang 324 ay idineklara ang bahay na ito bilang ganap na “Dambana ni Mabini.”11 Kaugnay nito, may ilang pagbanggit na ang
bahay na ito ni Mabini ay sumailalim sa pagsasaayos (restoration) sa pangunguna ni Juan Nakpil (Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura). Subalit, ang tanging plano (blueprint) na makikitang gawa ni Juan Nakpil ay ang ginamit sa pagsasaayos ng Dambana ni Mabini sa Tanauan, hindi ang dambanang ito noong ito noong mga dekada 1950 o 1960.

Rekonstruksyon ng Bahay ni Mabini. Mula sa Presidential Museum and Library

Dambana ni Mabini, kuha noong 2005, bago simulan ang paglipat nito sa PUP Mabini Campus noong
2007. Larawan mula sa.  http://nhcphistoricsites.blogspot.com/2021/10/dambana-ni-mabini-pandakan-maynila.html

 

Taong 2007, nagkaroon ng ilang mga mungkahi hinggil sa muling paglilipat ng bahay sa magkakaibang mga lokasyon. Subalit noong 2010, sa bisa ng Proklamasyon Bilang 1992, ay itinalaga ang Mabini Campus ng PUP bilang permanenteng karoroonan ng Dambana ni Mabini. Ayon sa naturang proklamasyon, ito ay upang mapanatili kapwa ang “historikal at arkitektural na katunayan, maging ang kasagraduhan nito bilang isang Pambansang Dambana.” Pinaglaanan ng humigit-kumulang 905 metro kwadrado, ang kasalukuyang Dambana ni Mabini ay kinaroroonan din ng “Museo ni Apolinario Mabini,” na nagtatampok ng ilan sa mga personal na gamit at memorabiliya ng pambasang bayani.

Gabay sa Loob ng Dambana ni Mabini

Sa pagpanik pa lamang sa hagdanan sa bukana ng Dambana ni Mabini, ay makikita na ang diwang makasimple ng nanahan rito. Ang paggamit ng kahoy bilang dominanteng material sa pagbuo ng tahanan ay higit na natatampok sa naturang hagdanan. Binabakas ng mga háspe ng kahoy ang banayad na paggulang ng hagdanang nito. Kapansin-pansin din ang korteng bloke na newel cap sa paunang poste nito, na siyang sinusundan papaakyat ng mga balustre na nasa estilong neo-klasikal.

Bago pasukin ang tahanan, maaring damhin muna ang espasyo sa maliit na beranda nito. Kinaliligiran ang naturang beranda ng mga maninipis na balustre (flat balusters), na kakikitaan ng heometrikong putol. Ang tatluhang butas, na nasa pormang trianggulo kapwa sa itaas at ibabang bahagi ng bawat balustre, ay mistulang nahahawig sa porma ng trianggulong may tatlong bituin sa pambansang watawat. Ang mga tatluhang butas na ito, gayundin ang mga heometrikong siwang sa pagitan ng mga balustre, ay nakapagbibigay-daan upang malayang makadaloy ang hangin dito. Gayon din, mapapansin ang eleganteng pagkakaukit ng mga fleur-de-lis sa bandang frieze beam, o ang nakausling tábing sa itaas ng beranda. Hindi lamang sila nakakadagdag ng dekorasyon sa espasyo; nakapagbibigay rin ang mga ito ng dagdag na lilim, higit lalo at
nakatutulong din ang naturang silong upang masala, kahit paano ang pumapasok na sinag ng araw, lalo kapag katanghalian, na pumapalo kapwa sa sahig, na yari sa kawayan, at sa mga pader na yari naman sa pawid, nitong beranda.

Sa pagpasok sa tahanang ito, ay sasalubunging ang mga bisita ng maliit ngunit may kaluwagan din naman na antesala, o espasyo bago ang aktwal na silid-tanggapan. Bagama’t may kaliitan, kakikitaan naman ang antesala ng ilang mga muebles.
Isa na rito ang bául na ito, na yar isa kahoy. Ito ay may patag na tuktok, na maaring nagagamit din noon bilang patungan ng mga gamit pangdekorasyon sa bahay. Mapapansing mayroon din itong maliit na kandado, yari sa bakal, na indikasyong nagagamit ang bául na ito upang magtago ng ilang mga posibleng mahahalagang gamit.

Isa ring makikita rito ang silyon (armchair) na ito, na isa sa dalawang covalescent chairs (i.e., upuan para sa taong nagpapagaling) ni Mabini. Yari rin ito sa kahoy, may mataas na sandalan (high backrest), at rectilinear nito ang wangis sa kabuuan. Liban sa siwang sa sandalan nito, na mainam na daluyan ng hangin, ang silyon ay mayroon ding kwadradong uka sa upuan nito, na maaaring lagayan ng malambot na kutson upang maging komportable ang pag-upo rito.

 

Ang susunod na bubungad sa pagpasok sa tahanan ay ang comedor o silid-kainan. Dito ay may ilang ring mga kasangkapan. Sa gitna ng silid ay mayroong simpleng hapag na yari sa mga patpat ng kawayan (i.e., bamboo-slat table). Napapagitnaan ito ng dalawang bangkò (bench seats), na kapwa pangkaraniwang lamang din kung titingnan. Banda sa itaas ng silid,
masisilayan na may nakasabit na lampara na nasa estilong Art Nouveau, na may domo na yari sa milk glass at mayroon din itong balangkas na yari naman metal. Mapapalagay na ito ay mula sa unang bahagi ng ika-20 siglo.16 Halos lahat ng silid sa dambana ay mayroong kahalintulad na lampara. At bagama’t kakikitan ng simplisidad ang espasyo, na siya ring sumasalamin sa pagkamatipid ni Mabini, ang silid-kainan na ito ay siya rin nagsisilbing pusod ng Dambana.

Dahil mula sa comedor, makatatawid ang mga bibisita sa iba pang mga bahagi ng naturang tahanan.

Sa bandang kanan ng comedor ay masisilayan ang mismong sala o silid-hintayan, na siyang nakasaksi sa mga huling sandali ni Mabini. Sa loob nitong sala, mayroong ilang mga memorabiliya na gumugunita sa kadakilaan ng pambansang bayani na nanirahan dito. Maliban sa ilang mga larawan ni Mabini sa pader at haligi ng sala, kapansin-pansin sa sentro ng espasyo ang mala-putong na ukit sa kahoy (i.e., thickly carved and black-lacquered wooden wreath); ipinapalagay na ito ay ukit pa mula sa Paete, Laguna. Kalapit nito ay ang mismong panandang pangkasaysayan (historical marker), yari sa bronse, na nakapaskil sa haliging nakatindig sa pagitan ng dalawang bintana rito. Nilikha noong 1953, hinahayag ng naturang panandang pangkasaysayan na “Sa tahanang ito namayapa si Apolinario Mabini noong ika-13 ng Mayo 1903” [“In this house Apolinario Mabini died on 13 May 1903.”]

Sa interes ng ilan, maaring pansinin din ang mga muebles na nakatampok sa silid na ito ni Mabini. Ang mga muebles na ito ay mapupunang may pagkaelegante sa kanilang estilo. Partikular na sa mga ito ang mga upuang nasa estilong Bentwood (Bentwood style seats), tulad ng mga silyon (armchair) sa harapan ng hapag-sulatan (i.e., escritorio o writing desk) sa
bandang kanan ng silid, iyong mahabang upuan (settee) sa bandang bintana, gayon din ang mga silya (side chairs) na nakapailalim sa black lacquered table sa bandang kaliwa ng silid. Batay na rin sa pangalan ng estilo nila, ang mga upuang Bentwood ay makabagong estilo sa paglika ng mga muebles noong gitnang bahagi ng ika-19 na siglo. Bahagyang binababad sa solusyon ang kahoy nito, bago baluktutin, saka patutuyuin upang manatili sa gusting korte nito. At kapag natuyo na ang kahoy, saka pa lamang ito lalagyan ng itim na lacquer upang maging kawangis ng ebony; panghuli, ay lalagyan na ito ng upuan at sandalan na gawa sa solihiya o rattan.

Makikita rin kasunod ng escritorio ang isa pang mas pinong uri ng covalescent chair ni Mabini.

Mula rin sa comedor, may ilan pang mga silid na maaring masilip ang mga bibisita sa
Dambana. Isa sa mga ito ay ang silid-tulugan na ito, na mayroong kama na yari sa mga patpat na kawayan at sapat para sa isang tao lamang. May mga siwang din ang ganitong uri ng kama, upang sa gayon ay daluyan ito ng hangin at maging komportable ang pagtulog rito. Kasunod lamang ng naturang kama ang isang mataas na salamin (floor mirror) na
kakikitaan ng mga elementong Oriental (i.e., termino sa araling antiques para sa mga kagamitang may disenyo mula Tsina, Hapon, atbp.) na maaring mula sa unang bahagi ng ika- 20 siglo.

Sa bandang pader ay may matayog na tambol aparador (i.e., “tambol” ibig sabihin, walang salamin).18 Kasunod nito ay isang maliit na bául na pinaibabawan naman ng plantsa de uling. Mayroon ding Dutch colonial Art Nouveau style milk glass-domed hanging lamp sa nakasabi sa kisame nitong silid.

Sa isa pang silid-tulugan ay mayroon ding mga kagamitan na kakikitaan ng interes. Sa pader na yari sa pawid, nakasabit ang isang oil painting on canvas na nilalarawan si Mabini, na sinasabing isa sa mga dibuhong nalika noong sentenaryo ni Mabini noong 1964. Habang malapit naman sa bintana ay ang kama, na pang-isang tao lamang, Yari ang papag nito sa solihiya o rattan, at kakikitaan ng mga ring-turned, scalloped short column20 sa bawat kanto nito. Katabi ng kama ay isang mesa altar na may dalawang maliit na drawer. Natatakpan naman ito ng puti na ginantsilyong cobremesa. Kinapapatungan ito ng isang lampara gasera at ng isang maliit na krus (i.e., graded-base wooden crucifix) na mayroong imahen ng Cristo Expirante. Kasunod naman ng mesa altar ay ang almario (i.e., pillow rack)21 na may matayog
na mga poste na nasa estilong neo-klasiko.

Sa likod na bahagi ng bahay, makikita ang cocina o silid-lutuan, na kinalalagyan ng mga tradisyunal na kasangkapan sa pagluluto. Sa isang hapag sa bandang dulo ng silid, makikita na mayroong dalawang maliliit na kawa (casserole) na nakapatong sa makikinis na puting bato. Sa estanteng yari sa kahoy sa bandang kanto naman makikita ang ilang mga buslô
(baskets) at palayok (clay pot). Sa kabilang dako, malapit sa likurang pinto, ay ilang mga kahoy na lusong at pambayo (i.e., mortar and pestle), ang isa na nasa mesa ay may kaliitan, samantala ang isa naman na nasa sahig ay labis na mas malaki.
Mayroon ding banggerahan o espasyo sa bintana ng silid na ginagamit bilang hugasan at patuyuan ng mga kagamitang pinagkainan. Nakapatong din sa pasimano nito ang isang tapayan (i.e., water vessel) o imbakan ng tubig.

Samantala, nakasabit naman sa pader ang mala-“tanzan” na banyera o palangganang metal na ginagamit sa paglalaba ng damit, kasama ang isag palo-palo (i.e., washing board) na yari sa kahoy – kapwa nagpapaalala ng dating nakagisnang paglalaba sa tabing-ilog gaya ng Ilog Pasig. Sa ilalim ng cocina matatagpuan ang isang malawak na silong (i.e., basement), datapwa’t hindi ito madalas ipakita sa mga bisita. Gayunman, makikita rito ang mga makakapal na posteng kahoy (i.e., stilts), na nakasemento na sa paanán, na silang sumusuporta sa pagkakaangat ng bahay kubo na ito sa lupa.

Upang masilip itong silong, maaaring lumabas dito sa hagdanan sa likuran ng bahay. Makikita na sa ibang mga silid ay mayroon ding mga pasimano (i.e., window sill) na may pagkakahawig sa porma ng banggerahan. Maaari naman na ang mga pasimanong ito ay nagagamit upang paglagyan ng mga halamang de paso.

 

Busto ni Apolinario Mabini, kasama ng panandang pangkasaysayan na nilalahad ang buhay ng pambansang bayani, sa PUP Mabini Campus (Larawan kuha ni Gregorio R. Caliguia, III)


Sintang Lakbay is  a historical walk and bike ride to promote inclusive mobility by facilitating active interaction with urban landscapes, restoring working-class memory in national history, and mobilizing public contributions to remembering through art and research. It is a collaborative project by The Polytechnic University of the Philippines, 350 Pilipinas, and the Constantino Foundation

FacebookTwitter