Isa ang Santa Mesa sa lungsod ng Maynila sa mga pamayanan na hindi nakilala sa mga aklat ng kasaysayan maliban na lamang sa pinagsimulan ng dahilan ng Digmaang Pilipino – Amerikano. Ang Santa Mesa, na noong una’ y kabilang sa distritong Sampalok ngunit, dahil sa lumalaking populasyon ng mga Kristiyano sa nasabing distrito, ito ay hinati sa dalawa upang magkaroon ng dalawang parokya. Ang bagong parokyang naitatag ay tinawag na Sta. Mesa. Ito ay binubuo ng mga klalye ng V. Mapa, Reposo, Valenzuela, Bacood, Sociego, Silencio, Altura, D. Santiago, Maganda, Nagatahan, Sta. Mesa Boulevard at ang Hipodromo.1 Ang ilan sa mga kalyeng ito ay nagbigay ng mahahalagang ambag sa ating kasaysayan. 

Pagalaala sa kasaysayan, bisitahin muli ang makasaysayang Karerahan sa Hipodromo gamit ang Facebook at Instagram Filters!

Ang kalye ng Hipodromo sa bayan ng Santa Mesa ay dating pag-aari ng pamilyang Tuason kung saan ito ay tinawag na Hacienda de Santa Mesa. Noong 1881 ay inilipat ditto ang isa sa mga sikat na libangan ng mga Pilipino ngayon, ang karera ng kabayo. Ang lupaing ito ay isang bukid at taniman ng mga puno at palay at sa tuwing sasapit ang panahon ng anihan, ang Hacienda ay inaayos upang maging karerahan ng kabayo.

Hipodromo de Santa Mesa Sourced from Eduardo de Leon/Google

 

Ang Katuturan ng Salitang Hipodromo 

Ang salitang “hipodromo” ay nangangahulugang isang bukas o saradong istruktura na ginaganapan ng mga pagtatanghal o anumang gawaing pinaglilibangan. Ang salitang ito ay mula sa salitang Griyego na “hippodrome” na tumutukoy sa takbo ng karera ng kabayo at kalesa. Bagamat “harena” ang salitang Griyego na tumutukoy sa lugar ng karerahan, ang salitang hippodrome o hipodromo ay ang naging nakaugaliang tawag sa karerahan sa paglipas ng panahon. Sa Hacienda de Sta. Mesa, ang pinaglipatan ng karerahan ay tinawag na hipodromo; kung kaya, ang Barangay Hipodromo na dating lugar ng karerahan ay nakikilala bilang Hipodromo at ang kalyeng bumabagtas dito ay tinatawag na Kalye Hipodromo. 

Sa kasalukuyan ay wala nang bakas ng karerahan dito sa kadahilanang ito ay isa ng lugar panahanan at ang tanging naiwang palatandaan ay ang pangalang gamit pa rin hanggang sa ngayon ng barangay na Hipodromo na sa salitang Espanyol ay nangangahulugang karerahan. 

Ang Unang Karera ng Kabayo sa Maynila at ang Manila Jockey Club

Ang Manila Jockey Club ay ang unang asosasyon sa Timog-Silangang Asya na may kaugnayan sa usapang karera, lalo na sa kabayo. Ito ay nabuo noong panahon ng tag-init ng taong 1867 sa pamumuno ni Jose Dela Gandara y Navarro, gobernador-heneral ng mga panahong iyon ng Pilipinas. Kabilang sa mga unang bumuo nito ay ang tinatawag na ”Socios Fundadores” na kinabibilngan ng mga Ingles, Espanyol at mga Pilipinong nagtatamasa ng mataas na antas ng pamumuhay na magpasahanggang ngayon ay nananatiling mataas sa lipunan dahil sa mga komersiyong kanilang pag-aari. Ilan sa kanila ay ang mga pamilya ng Zoebel, Ayala, Tuason, Elizalde, Prietos, Beeches at Nieto, na magpasahanggang ngayon ay nanatiling mga tagapagtaguyod ng Manila Jockey Club

Ang Manila Jockey Club ay isang asosasyon na naglalayong maglunsad ng karera ng kabayo at ipakilala ito bilang bagong libangan na angkop sa ating dahil sa ating heopgrapiya. Ang Manila Jockey Club ay nanatiling eksklusibo para sa mga taong nasa mataas na antas ng pamumuhay sa mahabang panahon. Ang bawat magiging kasapi ng asosasyon ay sumasailalim sa masusi at istriktong pagsusuri ng lupon ng mga direktor, ang isang botong hindi pagsang-ayon ay maaaring maging sanhi ng hindi pagtanggap sa mga nais maging parte ng prestihiyosong Manila Jockey Club. 

Mayroong dalawang uri ng miyembro ang asosasyong ito, ang una ay ang ”Socios Fundador”, ang mga miyembrong nabibilang dito ay may obligasyon na magbayad ng limampung piso bilang tala sa pagsali sa asosasyon at limang piso para sa buwanang bayarin.7 Ang pangalawang uri ay tinatawag na ”Socio Transuente”, ang mga miyembrong napapaloob dito ay obligasyon din na magbayad para sa pagpapatala at may buwanang bayarin na dalawang piso.8 Ang mga salaping nalilikom ay siyang nagsisilbing pondo ng asosasyon para sa mga gastusinsa pagsasagawa ng mga karera ng kabayo.3 

Inilulunsad ng Manila Jockey Club ang mga karera ng kabayo para sa purong libanangan lamang at walang nagaganap na pustahan noong mga panahong iyon, kaiba sa karera ng kabayo na ating nasasaksihan nating sa panahong kasalukuyan. Sa mga unang taon ng pagkakabuo ng Manila Jockey Club, ang karera ay ginaganap sa kalye na napapagitnaan ng mga simbahan ng San Sebastian at Quiapo (ngayon ay

kilala sa tawag na kalye ng R. Hidalgo).4 Ang pinaglulunsadan ng karera ng kabayo dito ay ginaganap sa isang pahabang kurso na may sukat na tinatayang sangkapat na milya. Ang pagdaraos ng karera dito ay ginaganap lamang isang beses sa isang taon sa mga buwan ng Abril o Mayo. (Itinataon sa panahon ng tag-init ang karera kung saan mainam ang lupa at panahon para sa okasyon ng karera ng kabayo) 

Hippodromo race track stamp design by Johnny Guarin

 

Ang Pamilya Tuason At Ang Hacienda Ng Santa Mesa

Maari nating simulan ang maikling paglalarawan sa pamilyang Tuason sa paksang ito noong 1768 kung kailan ang mga Heswita ay nahaharap sa mga suliranin at lahat ng pag-aari ng kanilang orden ay napunta sa mga kamay ng hari ng Espanya. Napunta kay Don Vicente ang ilan sa mga hacienda ng mga Heswita sa San Isidro sa Marikina dahil sa subastahang naganap noong 1794. Nagbayad si Don Vicente ng P33,750 bilang kabuuang halaga ng nasabing lupain. Binubuo ito ng mga lupain sa bahagi ng Pasig, Antipolo, Cainta, San Mateo, Mandaluyong, Pandacanat Caloocan Noong taong 1811 ay nabili naman ni Don Vicente ang Hacienda de Sta. Mesa na dating nasa pamamahala ng Real Mesa de la Santa Miserecordia sa halagang P33,600. 

Ang apo nI Don Vicente na si Don Jose Severo ang naging ikatlong tagapagmay-ari ng malalawak na lupain sa Marikina. Si Don Jose Severo Tuason ay makakaisang dibdib si Donya Teresa de la Paz, kilala bilang “Teresang Marikina” na mula din sa isang prominenteng pamilya ng mga mestizo noong 1863. Sa kasayasayan ang pamilya ng Tuason ang isa sa mga pinakamataas na antas ng mga mestizo sa Pilipinas. Ang kasikatan ng pamilya Tuason ay hindi nagtapos dito, ito ay nasundan pa lalo ng manahin ni Donya Teresa Tuason, dahil nasawi si Don Jose Severo noong 1874, ang lupain ng mga Tuason sa Mariquina pati narin ang Hacienda sa Sta. Mesa (bahagi rin ng lupaing pag-aari ng pamilya Tuason) noong ika-isa ng Oktubre noong 1878. 

Ang kanilang lupain sa Sta. Mesa, Maynila na tinawag na Hacienda Sta. Mesa ay inupahan ng Manila Jockey Club upang sa kanilang lupain ganapin ang mga karera ng kabayo. Bilang mga prominenteng miyembro ng Manila Jockey Club, sina Don Jose Victoriano Tuason, anak ni Don Jose Severo Tuason at Teresa dela Paz, ay pumayag at sa loob ng halos labing-siyam na taon ay dito nakasanayang idaos ang karera ng kabayo sa kamaynilaan. 

Ang Karera ng Kabayo sa Hipodromo, Sta. Mesa, Maynila 

Sa mabilis na pag-unlad ng komersiyo at mabilisang pagtindig ng mga establisyimento sa Maynila, partikular sa lugar ng lupain sa may Quiapo bago pa noong 1880 ang naging salik upang magpasya ang ang Manila Jockey Club na ilipat ang lugar na pinagdarausan ng karera mula Quiapo, Maynila patungo sa rural na Sta. Mesa, Maynila sa isang lupain na pag-aari ng pamilyang Tuason na matatagpuan malapit sa ilog Pasig na dati’y parte ng distrito ng Sampalok na ngayo’y kilala bilang kalye ng Hipodromo. Dito unang nagdaos ng karera ng kabayo sa hugis itlog na kurso.

Ang mga araw ng karera sa Hipodromo ay araw ng pagtitipon-tipon para sa kasiyahan kung saan kasama nila ang pinagpipitagan nilang mga kabayo; ang mga masugid na taga-suporta ng karera ay dumarating sakay ng kanilang mga kalesa. Ang mga kababaihan ay nagsusuot ng mahahaba at mamahaling palda at mga blusa na may katernong parasol. Ang mga kalalakihan, matanda man o bata, naman ay nakasuot na makitid na pantalon, at pang-itaas na magagara, na siyang nakakadagdag kulay sa masayang pagtitipon sa Hipodromo. Pagkatapos ng mga karera, ang mga kababaihan at kanilang mga eskorte ay ay magpupunta sa “clubhouse” kung saan sila magsasaywan sa saliw ng Kastilang quadrillo at waltz na tugtugin.

Ang gobernador-heneral at arsobispo ng Maynila ay kadalasang masisilayan sa pagbubukas ng bawat panahon ng karera at ang mga establisyimentong pang-negosyo ay pansamantalang isinasara. Ang noo’y isang beses kada taon na karera ng kabayo ay nadoble nang mailipat ang lugar ng karera sa lupaing pag-aari ng mga Tuason sa Sta. Mesa, Manila. Ito ay ginaganap noon pagkatapos ng anihan ng palay sa buwan ng Pebrero o sa unang araw ng Marso sa tatlong magkakasunod na araw. Nakasanayang itayo ang “Grandstand” na may iba’t ibang disenyo kada taon pagkatapos ng anihan. 

Nanatili ang karerahan sa Hipodromo mula 1881, matapos itong mailipat sa kahabaan ng Quiapo, hanggang sa pagsiklab ng Digmaan sa look ng Maynila noong 1898 na siyang naging dahilan ng pansamantalang pagtigil ng karera ng kabayo sa Pilipinas. Muli lamang itong naipagpatuloy noong 1899 isang taon matapos masakop ng hukbong Amerikano sa panahon ni William McKinley bilang presidente ng Amerika. 

Pagdaraos ng Karera sa Hipodromo 

Ang mga araw ng karera ay tumatagal ng talo hanggang apat na araw. Lahat ng may-kaya sa lipunan ay lumalahok sa nasabing pagtitipon-mga Briton, Paranses, Aleman, Swiss at mga opisyal ng pamahalaang Kastila. Lumalahok din ang ang mga karaniwang mamamayan tulad ng mga mangangalakal. 

Noong mga panahong iyon tanging ang mga kinikilalang miyembro ng Manila Jockey Club ang kabilang sa karera, ito ay tinawag na “careras officiales”. Hindi nagtagal pinahintulutan na ang mga propesyonal na hinete na makilahok sa 2 sa walong karerang idinaraos. Ang ikot ng karera noon ay katulad ng ikot ng kamay ng orasan (“clockwise”) kabaliktaraan sa ikot ng karera ng kabayo ngayon. Ang mga nagwawagi sa karera ay pinagkakalooban ng pilak na tropeyo at medalyang karaniwang pinapagawa pa ng Manila Jockey Club sa Hongkong. Ang lahat ng may pera sa kanilang bulsa ay pumupunta sa Hipodromo. 

Bagamat hindi iniendorso ng Manila Jockey Club ang pustahan sa bawat karerang nagaganap, ang mga manonood na ang siyang nagdedesisyon na makipagpustahan sa kapwa nila manonood at maraming Pilipino ang naguuwi ng salakot nila na puno na ng mga baryang kanilang naipanalo sa pakikipagpustahan. 

Mga Karerang Isinasagawa sa Hacienda de Sta. Mesa 

Magkakaiba ang uri ng karera ng kabayo ang idinaraos sa tatlong magkakasunod na araw sa Hipodromo ng Sta. Mesa. Ang mga regulasyon ay nakabatay sa uri ng karerang gaganapin. Ang mga regulasyon ay itinakda at ipinatutupad ng Manila Jockey Club. Kadalasan ay mayroong walong karerang ginaganap sa isang araw. Upang makalahok ang isang kabayo, ito ay dapat na nasa ikalawang taong gulang na. ang bawat kabayo ay nabibilang sa mga timbang na kanilang lalahukan. Ang mga hangganan ng bawat karera ay may palatandaan na banderitas na kulay pula at dilaw kung saan dito nagsisimula at nagtatapos ang isang karera. 

Isa sa mga uri ng karerang ginaganap ay ang Carrera de Saltos kung saan may mga alituntunin na dapat sundin ang bawat lalahok sa karera. Ang mga kabayong ilalahok dito ay pag-aari ng Manila Jockey Club o yung mga kabayong dito inaalagaan sa Pilipinas. Una sa mga regulasyon ay ang pagbabayad ng sampung dolyar upang makalahok, dolyar ang ginagamit na salapi sapagkat may mga Ingles na lumalahok sa karera. Ang distansya ng karera ay isa’t kalahating milya o 2850 na yarda. Ang timbang ng kabayong ilalahok ay hindi dapat bumaba sa isangdaan at apatnapu’t limang libra.7 

Isa pa sa mga uri ng karerang ginaganap dito ay ang Velocity Race. Ang mga kabayong nais inilalahok dito ay pawang mga alaga din ng miyembro ng Manila Jockey Club. Ang uri ng karerang ito ay kadalasang ginaganap sa una sa tatlong araw ng karera. Ang bayaring dapat ibigay upang makalahok sa karerang ito ay limang dolyares. Ang distansya na kailangang takbuhin ng mga kabayo ay kalahating milya o walongdaang kilometro. Ang nakatalagang premyo sa mananalo ay isangdaang dolyares. Mayroon din karera para sa mga hindi miyembro ng Manila Jockey Club. Ang mga taas ng kabayo na ilalahok na hindi mula sa Manila jockey Club ay dapat hindi sobra sa animnapung pulgada sa panukat ng Manila Jockey Club. Ang mga kabayong ilalahok ay dapat tama sa katumbas nitong timbang, halimbawa ang kabayong may sukat na limampu’t apat na pulgada ay dapat na may timbang na isangdaan at tatlumpu’t anim na libra. Ang distansya na kailangang takbuhin ng mga kabayo sa kategoryang ito ay dalawang milya o 3219 na metro. Ang bayarin upang makalahok ay labinglimang dolyares.

Ang mga karera ay kadalasang pinapangalanan upang mailagay sa programa. Ang mga kabayong inilalahok na alaga ng miyembro ng Manila Jockey Club ay dapat na nasa apa’tnapu’t- walong pulgada na dapat ang timbang ay isangdaan at tatlumpu’t dalawang libras. Ang mga hinete sa bawat karerang ginaganap ay dapat na may angkop na kasuotang pangarera tulad ng sumbrero na pang hinete, pantalong masisikip (sports pants o jogging pants) at pang-itaas na kapoteng pangarera. Ang bawat karera ay may nakatalagang premyo para sa mananalo. 

Ang karera ng kabayo nang mailipat na sa Hacienda de Sta. Mesa ay mas naging kilala dahil sa pagbubukas nito ng oportunidad sa ibang may mga alagang kabayo na ilahok ang kanilang mga alaga. Namulat din ang mga Pilipino sa aliw na naidudulot nito sa kanila tuwing magkakaroon ng karera. Ito ang nakapagbibigay sa kanila ng ginhawa mula sa mahabang panahon ng pagtratrabaho, isang patunay dito ang pagsasara ng mga establisyimentong pangkomersiyo sa Quiapo, Maynila, hindi kalayuan sa hacienda, upang masilayan lamang ang mga gaganaping karera. Ito rin ay nakapagbibigay sa mga Pilipino ng karagdagang salapi sa kanila sa pamamagitan ng mga patagong pustahan, ang pustahan noon ay hindi pa legal.

 

Ang Replika ng Gran Copa de Manila 1898 (ang orihinal na Gran Copa ay nasunog noong ikalawang digmaang pandaigdig)

 

Pansamantalang Pagtigil ng Karera ng Kabayo sa Pilipinas 

Sa patuloy ng paglawak ng diwang nasyonalismo noong panahon na iyon (1897), ilan sa mga kasapi ng Manila Jockey Club ang nasangkot sa pakikisabwatan sa mga rebolusyonaryong Pilipino. Isa na rito si Don Benito Valdes na naging myembro at naglingkod sa asosasyon sa loob ng dalawampu’t siyam na taon at noo’y naging pangulo din ng Manila Jockey Club. Nabilanggo si Don Benito Valdes sa Fort Bonifacio sa pagkakaugnay nito sa ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Kabilang siya sa mga pinangalanang kasapi ng Kongreso ng Malolos na nagpatibay sa kalayaan sa Kawit, Cavite noong ika-12 ng Hunyo 1898. (Ang Kongreso ng Malolos din ang humulma ng konstitusyon ng Malolos) 

Pansamantalang natigil ang namamayaning tensyon sa pagitan ng mga rebolusyonaryong Pilipino at Espanyol ng malagdaan ang kasunduan ng Biak-na-Bato noong 1897. Nagkaroon ng mahaba at samu’t saring pagdiriwang sa Pilipinas ang kapwa Pilipino at mga Espanyol matapos malagdaan ng kasunduan. Maraming kasiyahan ang naganap partikular sa kamaynilaan. Ilan sa mga ito ay ang karera ng bangka, pailaw tuwing gabi gamit ang paputok, sayawang bayan sa pamahalaang lungsod (ayuntamiento) at dulaan sa Zorrilla Theater. Bilang ambag ng Manila Jockey club sa naturang pagdiriwang sila ay nagtakda ng isa sa pinaka prestihiyoso nilang karera ng kabayo na ilulunsad dapat sa unang araw ng Mayo noong 1898 na pinamagatang “Gran Copa de Manila”.

Ang tropeyong nakatakdang igawad sa magwawagi sa karera ay may taas na dalawamput dalawang talampakan at may nakadesenyo na dalawang ulo ng kabayo at dyosa ng katarungan. Ito ay ideniposito sa tulong ng bangko ng Shanghai at hongkong sa Maynila…17 Ngunit sa kalagitnaan ng preparesyon sa bisperas ng Gran Copa de Manila, sumiklab ang digmaan sa pagitan ng mga Amerikano laban sa Espanyol sa look ng Maynila na naging dahilan ng pagkakaudlot ng nakatakdang karera. 

Sa mga maagang oras ng Ika- una ng mayo taong 1898, ang hukbong pandagat ni Komodor George Dewey ng Amerika ay pumasok sa look ng Maynila ng hindi namamalayan ng mga hukbong pandagat ng Espanya na nakatalaga sa karagatan ng Corregidor at Bataan… 

Ang Muling Paglulunsad ng Karera sa Hipodromo, Sta. Mesa, Maynila

Nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Espanya at Amerika noong 1898, lubhang nakaapekto ito sa galaw ng pamumuhay sa bansang Pilipinas. Bilang kolonya ng bansang Espanya na siyang pangunahing sankot sa digmaaan, ang Pilipinas ang nakadama ng malaking pagbabago.  Nagwagi ang mga Amerikano sa digmaang Espanyol- Amerikano at dahil dito, ang Pilipinas na noo’y nasa ilalim ng kapanyarihan ng pamahalaang Espanya ay nalipat sa pamamahala ng gobyernong Amerikano sa ilalim ng pamahalaaan ni Presidente William Mckinley. 

Ilang buwan matapos na tuluyang mapasailalim ng pamahalaang Amerikano ang Pilipinas, muling pinahintulutan sa paglulunsad ng karera ng kabayo ang Manila Jockey Club sa dati parin nitong tahanan sa Hipodromo Sta. Mesa sa lungsod ng Maynila. 

Ang Pagkawala ng Karerahan Ng Kabayo sa Hipodromo, Sta. Mesa, Maynila

Isang taon matapos maipagpatuloy ang karerahan mula sa inuupahang lupa sa Hipodromo Sta.Mesa patungo sa bago nitong lugar sa San Lazaro, Sta. Cruz Manila. Nilipat nila ito sa lupaing may lawak na labing anim ektarya na pag-aari ng mga madre ng Monasteryo ng Santa Clara. Napagkasunduan na ang lupain ay rerentahan hanggang maging pag-aari ng Manila Jockey Club sa loob ng labing limang taon, ngunit di pa man naabot ang labing limang taon noong 1912 ay tuluyan ng binili ng Manila Jockey Club ang lupain ng mga madre ng Monasteryo ng Santa Clara. Sa lugar na ito nanatili ang karerahan ng mahabang panahon. 

Sa pagpapatuloy ng karera ng kabayo sa kamaynilaan, nagkaruon ng malaking pagbabago sa kaligiran tuwing nagdaraos ng karera. Ang entabladong kinaroroonan ng mga matataas na opisyal ng pamahalaang Kastila katulad ng Gobernador Heneral at Arsobispo ay napalitan ng mga sundalong Amerikano na noo’y nahuhumaling din sa karera ng kabayo. Sa katunayan ilang Amerikano na may mataas na katungkulan ang noo’y naging myembro ng Manila Jockey Club tulad nina Brigader General Henry Allen at ang noo’y Bise Presidente pa lamang na si Theodore Roosevelt. 

Ang mabilisang paglawak ng populasyon ng mga mamamayang nahuhumaling sa karera ng kabayo ang siyang naging malaking salik upang maghanap ng mas malawak ng lupain ang Manila Jockey Club na pagdarausan ng inilulunsad nilang karera ng kabayo. 

Isang taon mula ng muling paglulunsad ng karera sa Maynila (1900), sa panahon ng panunungkulan ni Don Juan Jose Tuason bilang pangulo ng Manila Jockey Club naisakatuparan ng Manila Jockey Club ang mithiing mailipat sa mas malawak na lupain

ang karerahan ng kabayo. Nagpasya si Don Juan Jose Tuason sampu ng kanyang mga kasamahan sa asosasyon na ilipat ang dating karerahan sa Hipodromo Sta. Mesa sa San Lazaro sa Sta. Cruz sa lungsod parin ng Maynila. Ang Lupain ay may lawak na labing anim na hektarya na pagmamay-ari ng mga madre ng Monasterio de Sta. Clara. May kasunduan sa nasabing lupain na pormal ng magiging pag-aari ng Manila Jockey Club ang lupa sa pangungupahan nito sa loob ng 15 taon. Di pa man natatapos ang napagkasunduang panahon ng pangungupahan, tuluyan na itong naging pag-aari ng Manila Jockey Club mula ng bilihin nila ito labing dalawang taon palang mula pa ng sila ay mangupahan (1912). Dito rin sa karerahan ng San Lazaro unang isinagawa ang pustahan sa bawat karera ng kabayo. Ito ay inorganisa ng mga Amerikano noong 1903 na dalian namang niyakap at kinahumalingan ng mga mamamayang Pilipino na magpasahanggang ngayon ay patuloy parin ang paglawak ng pustahan sa industriya ng karera ng kabayo sa ating bansa. 

Nanatili ang karerahan ng kabayo sa San Lazaro Hippodrome sa loob ng mahabang panahon. Ito ang nagsilbing bagong tahanan ng Manila Jockey Club mula ng mailipat ang karerahan sa kalye ng Hipodromo sa Sta. Mesa. 

Ang mga miyembro nga Manila Jockey Club ay hindi nakakatanggap ng anumang salapi na pumapasok sa pamamagitan ng lumalaking popularidad ng karera ng kabayo sa bansa. Dahil dito, inilalaan ng Manila Jockey Club ang perang pumapasok sa pagpapaganda at pagsasaayos ng mga pasilidad sa karerahan at ang ilan ay ipinamamahagi sa kawanggawa at mga institusyon na hanggang ngayon ay

kanilang binabahagian. Ilan sa mga institusyong kanilang nabibigyan ng tulong pinansiyal ay ang Society for the Protection of the Animals, mga ulila ng mga sundalong napatay sa serbisyo, mga katolikong eskwelahan sa Sampalok, Sta. Cruz at Quiapo sa Maynila, Ospital ng San Juan de Dios at ang Manila Fire Department. Ang mga lugar tulad ng Hipodromo at San Lazaro ang saksi sa mga pangyayaring nagbigay ng malaking ambag sa tinatamasang kaunlaran ng industriya ng karera ng kabayo sa Pilipinas. 

Neil Oliver V. Dela Cruz 
Polytechnic University of the Philippines

 

Mga Sanggunian
Mga Primaryang Batis:
Manila Jockey Club Collections. “Carreras de Caballos en la Hipodromo de Santa Mesa”. Philippine National Archives. 1885
“Carreras de Caballos en la Hipodromo de Santa Mesa”. Philippine National Archives. 1888
“Reglamento para el Manila Jockey Club”. Manila. 1885
“Philippine magazine. [Vol. 26, no. 1].” In the digital collection The United States and its Territories, 1870 – 1925: The Age of Imperialism. https://name.umdl.umich.edu/acd5869.0026.001. University of Michigan Library Digital Collections.
Mga Sekundaryang Batis:
Agoncillo,Teodoro. “History of Filipino People”. Garotech Publishing. 1984
Dela Torre, Visitacion. “Landmarks of Manila 1571-1930”. Security Bank and Trust Co. by Filipinas Foundation. 1981
Ira, Luning et al. “Streets of Manila”. GCF Bookstore, Panay Avenue, Quezon City. 1987
Lopez, Mellie Landicho. “A Study of Philippine Games”. UP Press. 1974
Manila Jockey Club. “A History of the Manila Jockey Club, 1867-1967: A Century of Horse Racing in the Philippines”. 1997
Manila Jockey Club. “The Manila Jockey Club: 130 Years of Horse Racing in Southeast Asia”. 2007.
National Historical Institute. “Daluyan: A Historical Dictionary of the Streets of Manila”. 2006
Zaide, Gregorio. “History of the Republic of the Philippines”. National Bookstore.
Mga Batis mula Sa Internet:
www.manilajockyclub.com
www.marikina.ph/facts.gen.do
http://philippineamericanwar.webs.com/background.html

Sintang Lakbay is a historical walk and bike ride to promote inclusive mobility by facilitating active interaction with urban landscapes, restoring working-class memory in national history, and mobilizing public contributions to remembering through art and research. It is a collaborative project by The Polytechnic University of the Philippines, 350 Pilipinas, and the Constantino Foundation

FacebookTwitter